Ano ang role ng Diyos sa buhay mo? Paano mo Siya tinitingnan?
ROBOT. May mga tao na kung utusan ang Diyos para siyang robot. Lahat na lang gustong ipagawa sa Kanya, tapos wala namang effort na nanggagaling sa sarili. Ganito ang kadalasang dasal nila: “Panginoon, si nanay maysakit, alagaan Mo. Si tatay pagalingin Mo ang rayuma. Si kuya, patigilin Mo na sa pag-inom. Si ate sana di na ako bungangaan. Si bantay may garapata, nawa’y maalis. May ipis po, pakipatay.” Aba! Lahat na lang, iniasa sa Diyos tapos hindi naman ginagawa ang part niya. Pwede naman niya sigurong paliguan yung aso para maalis ang garapata, diba?
Hindi naman masamang umasa sa Diyos. Sino pa ba ang sasandalan mo? Pero after mong magpagawa ng mga bagay-bagay sa Kanya, make sure na ginagawa mo pa rin ang iyong mga tungkulin sa abot ng makakaya mo. Luma na, pero tama pa ring “Do your best and God will do the rest.” Kapag ginamit mo sa mabuti ang iyong mga kakayahan, Siya na mismo ang tatapos ng mga hindi mo kaya!
SANTA CLAUS. Halos kapareho lang ito nung una, pero imbes na pagpapagawa, paghingi ng paghingi sa Diyos ang moda ng mga taong ito. “Panginoon, bigyan Mo po ako ng boyfriend na gwapo. Bigyan mo rin ako ng mataas na sweldo. Gusto ko rin ng PSP, itouch, cellphone na triple sim, trip to Europe for two at masarap na hapunan mamayang gabi. Gusto ko ring maging billionaire, so freakin’ bad.” Naku, ginawa nang wishlist si Lord. Anong feeling mo, birthday mo everyday?
Pero totoo namang generous ang Panginoon. In fact, mas galante Siya kay Santa. Hindi lang pisikal na pangangailangan mo ang ibinigay Niya, pati buhay Niya. Indeed, God is not generous; He is Generosity.
Wala namang masama sa paghingi sa Kanya. In fact, mabuti yon dahil sa Kanya naman talaga nanggagaling ang lahat ng grasya. Pero pangit naman yung puro hingi na lang ang dinadasal mo. Never forget to thank Him! Even if you got nothing, thank Him for that nothing. Acknowledge Him in all times, in all places, at all circumstances.
GRUMPY OLD MAN. May mga tao namang tinitingnan ang Diyos na parang matandang laging galit. Hiyang hiya sa sariling pagkukulang, kapintasan at kasalanan, at nahihiya nang harapin ang Diyos dahil dito. Ganito ang dasal nila: “Panginoon, ako’y nagkasala. Napakarumi ko. Wala akong kwenta, hindi ko sinunod ang utos Mo. Hindi na yata ako magbabago. Galit Ka na sa akin at ihahagis Mo na ako sa walang hanggang apoy.” Kawawang kaluluwa, ni hindi pa nga natatanong ang Diyos kung talagang ihinahagis Siya sa walang hanggang apoy eh nag-assume na.
Ang Diyos ay hindi isang grumpy na matandang iko-kondena ka sa mga kasalanan mo. Hindi Niya inililista ang mga kasalanan mo tapos “Lagot sa Akin ito!” On the contrary, yayakapin ka pa Niya ng buong higpit, nagagalak na nagsisisi ka at handang magbago. Tunay na walang hanggan ang pagpapatawad ng Diyos. Alam mo yung Divine Mercy na image? Sa sobrang laki ng pagmamahal at awa Niya para sa sangkatauhan ay nag-uumapaw na ito mula sa puso Niya. Gets mo ba, nag-uumapaw na, hindi na Niya ma-contain! He wants to pour it all out to us, but only if we allow Him. Kaya ano pang hinihintay mo, wag ka nang matakot, i-avail mo na!
EXTRA-CURRICULAR. Meron ding mga tao na tinuturing na extra-curricular activity ang Diyos. “Mamaya na ako magsisimba, magsa-shopping muna ako.” “Pagkatapos na lang ng lahat ng teleserye ako magdadasal.” “Pwede namang hindi magsimba ngayon, sa linggo na lang.” Nakupeng! Kawawa naman ang Diyos, nagkasya na lang sa mga tira-tirang oras mo.
Sa lahat ng gawain, si God dapat ang una. All our labor should be offered to God. Praising Him and glorifying Him in all we do should be our first priority. Hindi ko naman sinasabing maging pari o madre na tayong lahat. Ano na lang ang mangyayari kung lahat ng lalaki, magmimisa pag linggo? Edi wala nang lay minister? May mga taong talagang tinawag para diyan. Pero hindi natin dapat isinasantabi ang Diyos dahil busy tayo o hindi naman linggo. Magpapakain ka ba ng bahaw na kanin sa presidente ng Pilipinas? He does not deserve what’s left of you; He deserves all of you! As the saying goes, “I will not give to God an offering that costs me nothing.”
CALL CENTER. Call center ang tanungan ng mga taong lito. In the same way, may mga taong kung magtanong sa Diyos para Siyang call center. “Lord, bakit? Why is this happening?” “Bakit Mo kinuha ang mahal ko sa buhay?” “Anong ibig sabihin ng lahat ng ito?” “God, why am I suffering?” Para ka namang test paper, ang dami mong tanong.
Sa buhay, hindi mo naman kailangang intindihin lahat. Kapag sinubukan mong intindihin lahat, sasabog ang utak mo. You’ll gain more questions than answers. Hindi ka matatahimik. Bakit pilit mong inaalam kung bakit ginawa ng Diyos sa’yo ang ginawa Niya? May mga tanong ka na sasagutin ng Diyos, meron ding hindi. Kung hindi mo pa rin maintindihan, baka pagkakataon na ito para magtiwala ka sa Kanyang infinite wisdom. You do not see the entire puzzle; you merely see that small piece. But God sees them all and therefore, trust that He will place that piece of puzzle where it fits perfectly. Trust in God is the key. No one is more deserving of your trust than the one who lays His life for a friend.
GUILTY ba? Kahit naman ako na nagsulat nito, tinatamaan din sa mga sinasabi ko. Ayos lang yan. Mahal ka pa rin ng Panginoon. Ang mahalaga, kinikilala mo Siya at mahal mo Siya. Feeble man ang pagmamahal na yun, Siya na ang bahalang magpalago nun!
"You did not choose me, but I chose you and appointed you so that you might go and bear fruit—fruit that will last—and so that whatever you ask in my name the Father will give you." John 15:16
0 comments:
Post a Comment